Blog Joomla Design by Best Web Hosting

Ika-116 Araw ng Kalayaan


Pagsunod sa Yapak ng mga Dakilang Pilipino, Tungo sa Malawakan at Permanenteng Pagbabago

(Pagbati sa lahat – sa Sangguniang Bayan, Barangay Officials, Department Heads, DepEd, PNP, all sectors present)

Isang mapagpalayang araw po sa ating lahat!

Ngayon po ang ika-isang daan at labing anim na taon nating pagdiriwang ng kasarinlan ng Pilipinas kayat masaya tayo. Alalahanin po natin na matapos ang ilang daang taong pagsakop ng kastila, hapon at amerikano ay matagumpay nating nakamit ang ating kalayaan noong ika-12 ng Hunyo taong 1898 sa Kawit, Cavite.

Higit pa sa taon at lugar na itinuturo ng ating guro sa paaralan, bigyan pansin din natin kung paano nakamit ng Pilipino ang kanyang Kalayaan. Nais ko pong samantalahin ang tema sa pagdiriwang nating ito :

“Pagsunod sa Yapak ng mga Dakilang Pilipino, Tungo sa Malawakan at Permanenteng Pagbabago”.

Sabi nga daw po ni Andres Bonifacio, “Dapat tayong maging isa. Isa ang kilos at isa ang isip. Dahil sa pagiging isa lamang natin magmumula ang lakas na gagapi sa kasamaang naghahari sa ating bansa.”

Malinaw po ang kanyang mensahe. Noon po ay kinailangan pang lumipas ang tatlong daang taon ng pagkasakop sa atin upang magkaisa ang ating bayan. Wika nga po ni PNOY, wag nating hayaang abutin pa ulit tayo ng tatlong daang taon o tatlumpung taon o tatlong taon bago tayo magkaisa para maging malaya sa kahirapan at kagutuman.

Opo. Kahirapan at kagutuman ang kalaban at hindi ang bawat isa nating kasama. Kaya imbis na tayu-tayo ang magkagulo o mag-iringan ay tayo ay magkaisa. Makakamit natin ang pagkakaisa kung tayo ay susunod sa tamang proseso, igagalang ang opinion ng bawat isa na ayon sa batas na umiiral sa ating bayan at higit sa lahat ay alamin natin ang ating katungkulan sa bayan.

Kung tayo po ay magkakaisa kahit ang iba ay tinatawag nating hindi lehitimong taga-Cavinti pero may puso namang tumulong sa ating bayan; ang kalakasan po natin kapag pinagsama-sama, wari ko po ay sapat na upang magapi natin ng tuluyan ang kahirapan dito sa maliit ngunit progresibo nating bayan. Kaysa tayo ay mag ubos ng panahon sa paghahabol sa mga bagay-bagay na wala namang kasiguruhan, pagpatol sa mga nakasulat sa facebook na hindi naman magagamit upang kasuhan ang taong nagsulat nito o makakatulong upang umangat ang kalidad ng pamumuhay sa ating bayan, aksayahin ang oras sa pagtanggap ng mga isyu na sa simula pa lang naman ay alam na nating walang patutunguhan, at maagang pamumulitika. Halina po’t tayo ay magtulungan at magkaisa upang tuluyang makalaya tayo sa kahirapan at kagutuman.

Tulad ng problema sa tubig ng ating bayan, kaysa tayo ay mambatikos, mambutas at manira ay bakit hindi natin gamitin ang oras na nilalaan natin dito upang tayo ay humanap ng solusyon upang tulungan ang inyong punumbayan at ang ating bayan na masolusyunan ito. Ang atin naman pong tanggapan ay bukas sa mga magagandang solusyon sa ating patubig. Kaysa magreklamo tayo sa patubig natin ay ako ay tulungan ninyo upang agaran nating masolusyunan ito at nang tayo ay makalaya na sa problemang patubig ng ating bayan upang magkaroon na tayo ng permanenteng pagbabago.

Tularan po natin ang ginawang pagkakaisa ng mga dakilang Pilipino. Tayo po, sa abot ng ating kakayanan ay maglingkod ng tapat sa ating bayan. Tumalima po tayo sa ating tungkulin bilang namunmuno ng ating bayan. Wag po tayong magsayang ng oras sa pagtuon sa ating mga pagkakaiba dahil sa huli ay pare-pareho tayo ng nais para sa Cavinti.  Magkaisa tayo at magtulungan upang paunlarin ang ating bayan.

Sundan natin ang Yapak ng mga Dakilang Pilipino tungo sa malawakan at Permanenteng Pagbabago.

Maraming Salamat po at Mabuhay Malalayang Pilipino, MABUHAY ANG CAVINTI!